Luke 6:27 - "Love your enemies"
-----------------------------------------------------------------------------------------
Mahalin ang kaaway.
Napakahirap gawin, lalo na kung ang taong ito ang siyang dahilan ng iyong dalamhati o paghihirap sa ngayon. Paano mo nga naman mamahalin ang isang taong minsan ay itinakwil mo at isinumpa.
Ngunit yan ang isa sa mga makabagong kautusan ni Hesus na taliwas sa itinadhana sa lumang tipan ("Mata sa mata, ngipin sa ngipin"). At sa Kanyang kamatayan habang Siya ay nakabayubay sa krus, ito ay Kanyang ipinakita sa lahat - "Diyos Ko, patawarin mo sila dahil hindi nila alam ang kanilang ginagawa." Tunay na makahulugan ang utos na ito.
Kaya mo bang gawin?
Bakit kaya hindi natin subukan? Idaan mo muna sa pagdarasal. Humingi ka sa Kanya ng lakas at linaw ng pag-iisip. Isipin mong ang magiging bunga nito sa iyong buhay at sa buhay ng iyong kaaway.
At sa huli, hindi ba't ang nalinang at napagbago ng Diyos ay ang iyong puso? Di ba't ang napatawad na tunay ay ikaw dahil tinanggap mo ng tuluyan ang Kanyang utos at salita?
Mahalin ang iyong kaaway... tunay na mahirap gawin. Subalit, sa pagsasagawa nito, mas luminis ang iyong puso, at nawala ang mga pag-aalinlangang dulot ng galit at napalitan ng pagpapatawad, na mismong Diyos lamang ang makapag-bibigay.
+ Manalangin tayo: Panginoong Hesus, turuan mo akong maging mapagpatawad, lalo na ng aking mga kaaway at mga taong nakasakit sa akin. Turuan mo rin po akong maging mapagkumbaba, at matuto ring humingi ng kapatawaran sa aking mga pinagkaka-utangan. Nawa'y maunawaan kong sa gawing ito, mapapanatag ang aking isipan at puso at mapuspos ito ng ispiritu ng pagpapatawad, na siyang turo Mo sa amin. Amen +
No comments:
Post a Comment