Monday, September 21, 2015

GAMOT SA ATING SAKIT

Matthew 9:13 - "Go and learn the meaning of the words, I desire mercy, not sacrifice.  I did not come to call the righteous but sinners".
-----------------------------------------------------------------------------------------

Sa ating pagkakasakit, kadalasan ay kailangan nating uminom ng gamot upang matulungan ang ating katawan na malunasan ang dahilan ng ating masamang pakiramdam.  At depende sa kalubhaan ng ating sakit, mas marami o mas madalas tayong nararapat na uminom or magpunta sa doktor.

At sa oras ng ating paggaling, kailangan pa ba natin ng gamot?  Hindi na marahil.  Ngunit, kailangan pa rin natin ang regular na check-up, pag-inom ng mga supplement, pagkain ng masusustansyang pagkain.

At pag-iwas sa mga pagkain at bagay na makakasama sa ating katawan, tulad ng junk food, paninigarilyo, alak/alkohol at matataba o sobrang matamis na pagkain.

Sa ating buhay pang-ispiritwal, minsan ay nalalagay tayo sa isang alanganing pangyayari dulot na rin ng ating kapabayaan o pagtugon sa tawag ng Diyablo.  Tayo ay nalalagay sa isang sakit na nakakaapekto sa ating kaluluwa.

Ngunit, hindi ba't napakasarap isipin na ang Panginoong Hesus ay laging nakatutok sa atin upang tayo ay gamutin.  Sa katunayan, inako na Niya lahat ng ating sakit, dalamhati at kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa Krus.  At patuloy Niyang ginagamot ang ating kaluluwa upang muli Niya tayong makapiling sa Kanyang butihing Pamilya.

Nawa'y sa ating paggaling, hindi na muli tayong mabinat, at magbalik sa dating sakit.  Nawa'y manatili tayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga Sakramento upang mapalago pa ang ating buhay sa Kanya.

Nariyan ang suplemento ng dasal at pag-rorosaryo, mga masustansiyang tinapay at alak ng Eukaristiya na siyang Kanyang dugo at katawan.  At sa kaunting sinat, manumbalik tayo agad sa Kanya sa pangungumpisal.

Nariyan si Kristo upang tayo'y pagalingin sa ating mga ispiritwal na sakit.  Tanggapin natin Siya, inumin/kainin upang sa Kanyang mga salita ay gumaling tayo at maging tunay na mga alagad Niya.

+ Manalangin tayo:  Panginoong Hesus, salamat po sa Iyong pagmamahal at pagpapatawad na siyang gamot ng aming katawan at kaluluwa.  Turuan Mo po kaming manatili sa Iyong piling, at tanggapin Ka namin ng buong pagtitiwala at pagmamahal.  Patuloy Mo kaming gamutin, Panginoon, sa pamamagitan ng Iyong dugo na ibinuhos Mo sa Krus upang kami ay maligtas.  Amen +

No comments: