Luke 9:50 - "Do not prevent him, for whoever is not against you, is for you".
--------------------------------------------------------------------------------------
Pag hindi katropa, kagalit. Pag hindi kabarkada, pangit. Pag hindi kapamilya, low quality. Pag hindi kapuso, walang sinabi.
Tunay ngang sa ating pakikitungo sa kapwa, meron tayong pinapanigang "standard". At ang pamantayan na ito ay base na rin sa pinaniniwalaan ng ating grupo, barkada, samahan o pamilya. Pag hindi ayon sa pamantayang ito, sasabihin nating hind katanggap-tanggap ang gawain ng isang tao o grupo.
Ngunit paano kung mas tama pala sila. O, ganito na lang, paano kung pareho lang pala kayo ng paniniwala. Isipin na lamang ang stress na inaabot natin upang makipagtalo sa kanila, ganoong, wala naman palang dapat pag-usapan pa.
Ang nararapat lamang na gawin ay mag-usap, magkasundo at mag-kaisa.
Hindi nalalayo ang naranasan ng mga apostoles ni Hesus. Sa kanilang pagsama kay Hesus, akala nila ay mas magaling na sila sa ibang tao, at ang lahat ng ginagawa ng iba ay taliwas na sa kanilang gawain o paniniwala.
Kung kaya't mabilis silang inawat ni Hesus. Oo at maganda ang kanilang nasimulan at gawain, ngunit hindi nangangahulugang pangit na ang gawain ng iba. "At kung ang ginagawa nila ay sa ikabubuti rin ng mga tao, sila ay ating kasama at kaibigan".
Hindi ka tuluyang tinatalikuran ng Panginoon nakagawa ka man ng masama. Patuloy ka Niyang binibigyan ng pagkakataon na magbago at sumunod sa pamantayang ipinahayag Niya. At sa oras na makasunod ka sa mga ito, huwag mong ilayo pa ang sarili mo sa Kanya. Dahil sa mabuti mong gawain, ikaw ay itinuturing na kapamilya, kapatid at kapuso ng Panginoon.
Manumbalik sa Kanya at tanggapin ang buhay na walang hanggan.
+ Manalangin tayo: Panginoong Hesus, ikaw ay aming kapatid. Patuloy mong tanggapin ang aming pag-aalay ng aming buhay sa Iyo. Patuloy Mong ituro sa amin ang tamang landas nang ayos sa Iyong mapagpalang pamantayan. At sa aming pagsunod sa Iyo, manatili nawa kami sa landan na ito, sa tulong na rin ng Iyong ilaw patungo sa buhay na walang hanggan. Amen +
No comments:
Post a Comment