Tuesday, September 22, 2015

HESUS NA AKING KAPATID

Luke 8:21 - "My mother and My brothers are those who hear the word of God and act on it".
------------------------------------------------------------------------------------------

Hindi Siya namimili.  Hindi dahil ikaw ay pari o relihiyoso, ay ikaw na ang Kanyang pipiliin upang makasama Niya sa langit.  Hindi ganoon ang Kanyang pamantayan.  Bagkus, mas pinili pa Niyang makasama ang mga taga-buwis, mangingisda, at iba pang makasalanan upang mas maipadama Niya sa kanila ang kanilang pangangailangan sa Diyos sa kanilang mga buhay.

At malinaw ang Kanyang pahayag - na ikaw ay gusto Niyang makasama bilang kapatid o ina, kung magagawa mo ang dalawang bagay:

Ang makinig sa Kanyang mga salita, ang sundin ang mga ito at isagawa ito sa ating buhay ng walang pag-aalinlangan at nang may pagtitiwala sa Kanya.

Madaling dinggin ang Kanyang salita - pagdinig ng misa, pagbabasa ng Bibliya at pagpunta sa mga Bible Study.  Mula rito ay makukuha nating ang mga salita at pahayag ng Panginoon upang mabuhay tayo sa Kanyang pangangalaga.

Ngunit hindi sapat ito.  Hindi maaaring paglabas natin ng simbahan, ay balik na tayo sa taliwas nating mga gawain.  Hindi maaaring pagkabasa natin ng Bibliya ay nalimutan na natin ang nilalaman nito matapos lamang ang ilang minuto.

Ang Kanyang kagustuhan ay isabuhay natin ang Kanyang Salita upang mabago at mapalago hindi lamang ang ating buhay, ngunit pati na rin ang buhay ng ibang tao lalo na ang iyong mga minamahal.

Lagi nating isaisip ang mga bagay na ito.  Lagi nating tandaan na ang pikikitungo sa Panginoon ay isang patuloy na pakikibaka upang hindi tayo malayo sa Kanya.  At ang pakikinig at pagsasabuhay ng Kanyang Salita ang tunay na batayan ng ating relasyon sa Kanya.

+ Manalangin tayo:  Panginoong Hesus, turuan mo kaming patuloy na makinig sa Iyong salita at isabuhay ang mga ito, hindi lamang upang mapalapit kami sa Iyo nang lalo pa, kundi upang mapalapit din namin sa Iyo ang iba.  Hesus na aming Kapatid, huwag mong tulutan na Kami ay mapalayo sa Iyo.  Patuloy Mo kaming gabayan sa aming buhay sa pamamagitan ng Iyong banal na Salita.  Amen +

No comments: