Hebrews 5:8-9 - "Son though He was, He learned obedience from what He suffered; and He was made perfect, He became the source of eternal salvation for all who obey Him".
-----------------------------------------------------------------------------------------
Masakit sa puwet, at talagang maiiyak ka. Diyan kami nadisiplinang magkakapatid ni Tatay. Dadapa ka sa sopa, at mapapapikit ka na lamang habang hinihintay ang pagdapo ng sinturon. Iyon ay matapos ang mahabang litanya, kung saan ipinapaliwanag nya kung bakit ako nasa ganung posisyon.
At ang madalas na dahilan - ang hindi ko pagsunod sa mga napagkasunduan namin ukol sa aming pag-aaral, pakikipaglaro, at pakikitungo sa aking mga kapatid.
Masakit ang mapalo, lalo na kung matatanto mo na ito ay dahil na rin sa kakulitan ng iyong ulo, at pagpupumilit sa iyong kagustuhan, kahit alam mong mali at labag sa napagkasunduan. At ang luha na tutulo sa iyong mga mata ay dahil na rin sa maiisip mong nabigo mo ang iyong ama sa pagkakataong iyon.
At sa ating buhay ngayon, maaaring wala nang namamalo sa atin. Ngunit hindi ba natin naisip na pwedeng ang mga sakit at problemang nararanasan natin ngayon ay dahil na rin sa mga kasalanang ating ginagawa. Maaaring ito ang "palo" na ating nakukuha mula sa Panginoon.
At sa bawat paghihirap na ito, ano ang natututunan natin? O, meron ba tayong natututunan? O baka naman, sa oras na makalagpas tayo sa unos, ay balik na naman tayo sa dati nating taliwas na gawain.
Mabuting pagsunod, iyan ang inaasahan ng Diyos sa ating buhay. Pagsunod na naaayon sa mga napagkasunduan natin nang tayo ay binyagan, kumpilan at tanggapin Siya sa ating buhay.
Pagsunod na may kaakibat na pagmamahal sa Kanya, dahil na rin sa pagmamahal na ipinagkakaloob Niya sa atin. Kung kaya'y sa susunod na maisipan mong "maging makulit", mag-isip ka muna. Kakayanin mo pa ba ng susunod na "palo" Niya?
+ Manalangin tayo: Panginoon naming Ama, patawarin Mo kami sa aming mga kasalanan na siyang nagtutulak sa aming mapalayo sa Iyo. At sa oras na kami ay maging "makulit and matigas ang ulo", nawa'y maisip namin ang aming naging pagkakamali, at muling lumapit sa Iyo at manumbalik sa Iyong piling. Masasakit ang Iyong mga palo, Panginoon, masakit sa aming kalooban dahil alam naming binigo Ka namin. Patawarin mo kami, Ama. Amen +
No comments:
Post a Comment