Luke 5:38 - "Likewise, no one pours new wine into old wine skins."
-----------------------------------------------------------------------------------------
Dahil na rin sa mga makabagong teknolohiya tulad ng smartphones at pocket internet, madali na tayong makalikom ng mg impormasyon, kahit saan man tayo naroroon.
Ngunit, upang magawa ito, kailangan natin ng mga bagong gadgets at hindi uubra yung tinatawag na "cellphone" na ating ginagamit mga sampung taon na ang nakaraan. Hindi nito kakayanin ang mga makabagong "standard" ng komunikasyon na maisasakatuparan lamang sa paggamit ng smartphones at tablets.
Nang dumating si Kristo sa lupa, binago Niya ang pananaw ng mga tao hinggil sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. Hindi na lamang ito nakaatang sa panlabas na kaanyuan at gawain, o sakripisyo at kaparusahan sa bawat pagkakamali.
Bagkus, ito ay nakabase na sa tuwirang relasyon natin sa Diyos at kung paano ang ating puso at isipan ay sumasalamin sa Kanyang kagustuhan at gawain.
Kung kaya't ang pagtingin sa isang babae nang may pagnanasa ay isa nang pakikiapid. Hindi lamang mga kaibigan ang dapat pakisamahan, kundi pati na rin ang ating mga kaaway. Hindi na natin dapat saktan ang ating sarili upang makamit ang kapatawaran - ang lubos na pagtanggap sa Kanya bilang ating Panginoon at Diyos ay sapat na, dahil tinubos na Niya tayo sa kasalanan.
Hindi ito naunawaan ng mga tao noon dahil suot pa rin nila ang "lumang damit" kung kaya't hindi pumapasok sa kanilang puso ang katotohanan.
Isuot natin ang "bagong damit" ng buhay, upang matanggap natin ang Katotohanang ito ng walang alinlangan. Baguhin natin ang ating puso upang makamtan natin ang buhay na walang hanggan.
+ Manalangin tayo: Panginoong Hesus, salamat sa Iyong pag-ibig. Nawa'y maisabuhay namin ang mga makabagong utos na nagmula sa Iyo, at tunay na tanggapin ang Iyong mga kagustuhan. Sa pamamagitan ng patuloy na pagtitiwala sa Iyo, nawa'y makamtan namin ang buhay na walang hanggan na Iyong ipinangako, Amen +
No comments:
Post a Comment