Tuesday, October 20, 2015

TAMANG PANAHON

Luke 12:37 - "Blessed are those servants whom the master finds vigilant on his arrival".
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Lagi na lang tayong naghihintay.  Sa pagdating ng bus.  Paghihintay sa kahabaan ng pila.  Paghihintay sa minamahal o mamahalin.

Paghihintay ng isang milagro.  Paghihintay ng araw kung kailan makakapiling na muli natin ang ating Diyos at Panginoon.

Ngunit mas higit sa paghihintay, ay kung ano ba ang mga bagay na ating ginagawa habang tayo ay naghihintay.  Ano bang pag-uugali ang ating ipinapakita habang tayo ay naghihintay?

Inihahanda ba natin ang ating sarili?  Wala ba tayong nakalimutan, nang sa gayon, pagdating ng ating hinihintay ay sigurado na tayo upang sumama sa kanya?

Lagi na lang tayong naghihintay, ngunit tayo ba ay handa?

Ihanda natin ang tuwid na daan ng Panginoon patungo sa ating puso.  Patuloy tayong magtiwala na sa Kanyang pagdating, tunay na mapagbabago nya ang ating buhay at ang mundong ating ginagalawan.  Hindi man natin maranasan ang ganda ng buhay sa ngayon, yan ay isang pagsubok lamang ng ating katatagan at pagtitiwala sa Kanya.

Ngunit kung tayo ay handa at palaging nasa Kanya ang ating puso at pamumuhay, Siya na nga mismo ang ating makakapiling sa tama at habang panahon.

+ Manalangin tayo:  Panginoong Ama, gabayan mo kami sa aming paghihintay sa Iyo.  Nawa'y matutunan namin na gawin ang mga bagay na magpapaligaya sa Iyo, at magbibigay sa amin ng kagandahan ng puso at isipan.  Patuloy kaming maghihintay sa Iyo ng may pagpupunyagi at pagtitiwala na muli Ka naming makakapiling sa tamang panahon.  Amen +

No comments: