Luke 10:37 - "He answered, 'The one who treated him with mercy.' Jesus said to him, 'Go and do likewise.'"
-------------------------------------------------------------------------------------------
Hindi natin sila masisisi.
Maaaring ang Levitano at ang pari ay nagdalawang-isip na tumulong. Sa kanilang isip, ang taong nakahandusay sa kalsada ay puwedeng isang magnanakaw. At sa oras na lumapit sila sa kanya ay agad silang gagawan ng masama. At dahil sa takot na ito, hindi na lamang nila siya tinulungan at pinabayaan na lamang.
Ito rin marahil ang unang nasa isip ng Samaritano. Nanaig din marahil ang takot sa kanya. Ngunit ang pagkakaiba niya sa dalawang nauna, ay hindi niya hinayaang mamayani sa kanyang puso ang takot. Alam niyang may isang taong nangangailangan ng tulong. Bilang isang taong nagmamalasakit, kailangan niyang kumilos at tumulong.
Kaaway man o kaibigan, darating din ang araw na kailangan natin silang tulungan. Maaaring may takot tayo at isiping baka niloloko lamang ako nito, o kaya'y baka hindi ako bayaran nito. Ngunit ang tunay na nagmamalasakit ay tunay na nagmamahal. Hindi siya umaasa sa anumang kapalit sa anumang tulong na kanyang ibinibigay.
Ipinakita ito ni Hesus nang ihain Niya ang kanyang buhay upang tayo ay mailigtas, kaibigan man o kaaway. Lahat tayo ay pinatawad ng Diyos dahil sa pagmamalasakit, pagpapasakit ng Kanyang Anak at pagmamahal sa ating lahat.
Mahirap gawin ngunit nararapat at kinakailangan. Alisin ang takot at umasa sa Kanya. Ang tunay na pagmamahal ay buong-pusong pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, ng walang kapalit, kaaway man o kagalit.
+ Manalangin tayo: Panginoon, salamat po sa pag-ibig na Iyong ibinibigay sa amin. Patuloy nawa naming ipadama rin sa iba ang pag-ibig na ito. Patawarin Mo po kami sa mga pagkakataong natatakot kami na tumulong dahil na rin sa mga pansariling kadahilanan. Minamahal ka namin ng buong-puso at sa Iyo lamang namin ibinibigay ang aming buhay para sa iba. Amen +
No comments:
Post a Comment