Saturday, October 10, 2015

PANANAMPALATAYA AT GAWA

Luke 11:28 - "Rather, blessed are those who hear the word of God and observe it".
----------------------------------------------------------------------------------------------------------

Pananampalataya lamang?

Hindi sapat na magsisimba ka lamang tuwing Linggo.  O kaya ay mangungumpisal ka minsan sa isang buwan.  O kaya naman ay pag-ro-Rosaryo araw-araw.  Hindi sapat ang pananampalataya lamang.  Nararapat na tugunan mo rin ito ng mga gawaing pang-kawanggawa.

Ayon nga sa Mateo 7:21 - "Hindi ang bawat isa na nagsasabi sa akin: Panginoon, Panginoon, ay makakapasok sa paghahari ng langit, kundi ang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit."

Pananampalataya.... at Gawa!

Totoong umpisahan mo ang iyong paglalakbay sa piling ni Hesus sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanya bilang iyong Diyos at Panginoon.  Ngunit ito ay hindi nagtatapos sa isang pagdarasal lamang ng pagtanggap.

Ito ay nararapat na sundan ng mga pagtanggap at pagsunod sa Kanyang salita, pamantayan at kalooban; pagpasan ng iyong sariling Krus at sundan Siya; at ang pagtulong at pagsisilbi sa mga mas nangangailangan upang sa pamamagitan mo, ay makilala nila ang Panginoon kagaya mo.

Tunay na mahirap ang maging isang Kristiyanong tagasunod ni Kristo.  Ito ay panghabang-buhay na paninindigan.  Ito rin marahil ang dahilan kung kaya't maraming tumitiwalag sa paniniwalang ito kay Hesus.  Hindi dahil sa hindi nila kayang gawin, kundi dahil ang kagustuhan lamang nila ay ang madaling daan patungong langit.

At hindi nila ito makakamit, dahil mismong si Hesus ay naghirap at namatay para lamang makamit natin ang kaligtasan.

Nasa Diyos ang awa.  Ibinigay na sa atin ng Diyos ang langit.  Iniligtas na Niya tayo sa demonyo at sa init ng impiyerno.  Sa pagkamatay ni Hesus sa Krus, naligtas na tayo sa lahat ng ito.

Ngunit, sa tao pa rin ang gawa.  Pagdarasal.  Pagbibigay ng awa at tulong sa iba.  Pagsamba.  Pagbibigay salamat.  Pagtanggap at pakikibahagi sa mga Sakramento.  Pagiging huwaran sa iba upang makita nila ang Diyos sa iyo.

Iyan ang tunay na Kristiyano - na makikita sa kanyang Pananampalataya at Gawa.

+ Manalangin tayo:  Panginoong Ama, salamat po sa Iyong Anak at kami ay naligtas at naibalik ang pagkakataong makapiling Ka namin sa langit.  Turuan Mo po kaming isabuhay ang pananampalataya sa Iyo, sa pamamagitan ng mga gawain ng kabutihan dito sa lupa.  Ibigay Mo po sa amin ang biyaya ng Espiritu Santo upang malampasan namin ang aming kahinaan at makamit ang tunay na grasya at awa mula sa Iyo at maisapuso namin ang lahat ng ito para sa Iyo.  Amen +

No comments: