Romans 8:14 - For those who are led by the Spirit of God are sons of God".
-----------------------------------------------------------------------------------------------------------
Lahat tayo ay may pinagmulang isang ama. Siya ang ating Tatay, Papa, Daddy, Dada. At sa ating paglaki, siya ang ating huwaran at gabay. Maaaring mayroon siyang mga limitasyon at pagkukulang, ngunit nag-iisa lamang siya sa ating buhay. At ang kakulangang ito ay tayo na lamang ang magpupuno, at maging isa ring magandang huwaran sa ating mga anak.
At kung sa pag-aarugang ito ng ating ama ay nakararanas na tayo ng walang-hanggang kasiyahan, paano pa kaya kung patuloy natin itong madarama mula sa ating Kataas-taasang Ama sa langit? Hindi ba't tunay na napakasaya ng ating buhay sa piling Niya?
Tinanggap Niya tayo sa oras ng ating binyag. At magmula noon hanggang ngayon, tayo ay Kanyang ginagabayan, binibiyayaan, inaalagaan at minamahal. Mula noon hanggang ngayon, sa kanyang piling, tayo ay patuloy na namumuhay ng sagana dahil tinanggap natin Siyang ating tagapagligtas at ilaw at tamang daan sa ating buhay.
At sa pamamagitan lamang Niya matatagpuan natin ang katotohanan at kaligayahan na ating hinahanap. Siya ay nariyan at tayo ay narito para sa Kanya dahil nilalang Niya tayo sa ngalan ng pag-ibig.
At ano ang tamang tugon natin sa pagmamahal na ito?
Pananampalataya, paniniwala, pag-asa at pagmamahal sa kapwa. Hindi madali? Sa katunayan, ito ay napakadali kung ilalagay lamang natin ang ating sarili sa Kanyang presensiya sa ating buhay. Kung patuloy lang natin Siyang isasapuso at tatawagan sa lahat ng ating mga gagawin.
Siya ang ating Ama. Huwaran ng ating pagkatao. Lumapit tayo sa Kanya, Siyang unang nagmahal sa atin at patuloy na mamuhat nang ayon sa Kanyang kalooban.
+ Manalangin tayo: Panginoong Ama, salamat po sa Iyong walang hanggang pagmamahal. Hind man kami karapat-dapat, ngunit tinawag at itinuring Mo pa rin kaming mga anak. At dahil sa sakripisyo ni Hesus sa krus, nanumbalik ang pagmamahal Mo sa amin upang manahan Ka sa aming puso nang walang hanggan. Salamat po, Panginoon sa lahat ng Iyong pagpapala. Amen +
No comments:
Post a Comment