Tuesday, August 11, 2015

SA KANYANG HARAPAN, NASAAN KA?

Mga Awit 73:28 - "Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!  Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag, ang kanyang ginawa'y aking ihahayag."
----------------------------------------------------------------------------------------

Dahil na rin sa mga makabagong teknolohiya tulad ng "tablet" at "celphone", malimit na lamang tayong nakatutok sa mga ito.  Nalilimutan na minsan nating kumain, matulog sa tamang oras, o makalagpas sa ating patutunguhan.

"Sensya na ha, may tinignan lang ako na post".  "Sorry, ha, kasi may sinasagot lang ako na text."  "Ay nandyan ka pala, di kita napansin."

Hindi ba't pamilyar din ito pagdating sa ating espirituwal na buhay?

"Sensya na Lord, di ako makakasimba, at may pupuntahan akong party".
"Sorry po, at wala akong barya, pambigay sa pulubi kanina."
"Hindi ako pwede sa bible study, at bawal ako mapuyat."

Hindi man nya kailangan gawin, patuloy pa ring kumakatok sa iyong puso ang Panginoon, upang makipag-usap sa iyo.  Nais niyang makasama ka, kahit sandali lamang, dahil alam nyang abala ka sa ibang bagay.

Pero, bakit hindi mo pa rin maibigay kahit na isang oras ng Linggo upang makinig ng misa, or kalahating oras upang mag-Rosaryo?

At sa lahat ng pagkakataong kaharap mo sya, nasaan ang iyong diwa?  Nasaan ka?  Nawa'y sa susunod na Siya naman ang kailanganin mo, hindi naman ikaw ang magtatanong ng "Panginoon, nasaan Ka?"

+  Manalangin tayo:  Panginoon, lagi kang nasa buhay ko, ngunit bakit hindi ko ito alintana?  Turuan mo po akong patuloy na pakinggan ka at sundin ang loob mo.  At laging manalig na nandyan ka lamang sa aking piling.  Amen +

No comments: