Matthew 24:42 - "Stay awake! For you do not know on which day your Lord will come."
-----------------------------------------------------------------------------------
Kung kaya't patuloy tayong naghihintay. Patuloy tayong umaasa, na isang araw ay darating na muli ang Panginoon upang muling maghari sa langit at lupa.
Hindi ba't ang buhay natin ngayon ay puno ng paghihintay? Pag-aabang ng sasakyan, pag-abang sa pila para makapanood ng sine o mag-file ng kinakailangan sa isang government office. Maghintay ng minamahal o mamahalin. Maghintay ng sandaling iyon na makasama nating muli ang ating Panginoon sa isang buhay na walang hanggan.
At ang laging kaakibat ng paghihintay ay ang kabutihan ng pasensiya o pagtitimpi. Hindi tayo basta-basta na lang sumusuko. Ito ay dahil alam natin ang magiging kabutihang dulot ng paghihintay. At sa ating pagtitimpi, iniaalay natin ang ating paghihintay sa Panginoon, na sana'y magkaroon ng katuparan ang ating mga kahilingan sa Kanya.
Ito ang kabutihang ipinamalas ni Santa Monica. Siya ang ina ni San Agustin. Bago maging pari si Agustin, isa itong babaero, at kalaban ng Simbahan. Ngunit dahil sa walang sawang pagdarasal ni Santa Monica sa loob ng sampung taon, naliwanagan ang pag-iisip ni Agustin, naging pari, at ngayo'y isang Santo at doktor ng Simbahang Katolika.
Maaaring ang ilan sa atin ay pagod na sa laban ng buhay. Ngunit nawa'y huwag tayong panghinaan ng loob. Patuloy tayong manalangin upang mabigyan tayo lagi ng lakas na malampasan ang anumang unos na dumarating. At sa tamang panahon, aanihin din natin ang biyaya ng ating paghihintay at pasensiya.
+ Manalangin tayo: Panginoon, salamat po sa kabutihan ng pagtitimpi na ipinagkaloob Mo sa amin. Nawa'y patuloy kaming magtiwala sa Iyo, na may pag-asang makamit namin ang aming minimithi. Salamat pong muli sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob Mo; at sa Iyong mabuting Pangalan, ay patuloy naming ipababatid ang Iyong walang hanggang pagmamahal at pag-ibig sa iba, Amen +
No comments:
Post a Comment