Sunday, November 15, 2015

SAAN ANG PUNTA MO?

Mark 13:32 - "But of that day or hour, no one knows, neither the angels in Heaven, nor the Son, but only the Father".
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

"O, saan punta mo?"

Isang paraan ng pagbati para sa ating mga Pilipino.  Hindi naman talaga natin balak na alamin kung saan talaga siya pupunta.  Ngunit gusto lamang natin siya batiin at siguraduhing meron nga siyang patutunguhan sa araw na iyon, at hindi lamang siya naliligaw o walang patutunguhan.

Ngunit saan nga ba talaga tayo papunta?  Papuntang trabaho, o papuntang paaralan, o papunta sa isang kaibigan.  Kahit saan man tayo papunta, iisa lang ang sigurado - mayroon tayong patutunguhan at nakahanda tayo sa daang ating tatahakin patungo doon.

Paano naman ang iyong kaluluwa?  Handa ka ba at alam mo ang patutunguhan nito?

Ang pagiging handa sa muling pagdating ng Panginoon ay nangangahulugang handa tayong gumawa ng mga bagay nang naaayon sa Kanyang kalooban.  Nararapat lamang na gawin natin ang naaayon sa Kanyang plano, saan man tayo naroroon.

Walang nakakaalam kung kailan ito.  Mayroong mga taong nagsasabi ng panahon o oras ng ikalawang pagdating, ngunit hindi natin ito dapat paniwalaan.  Ang mahalaga ay nararapat na lagi tayong handa.

Handa ka na ba?  O patuloy mong sinasayang ang iyong buhay sa kawalang saysay o sa kawalan?  Paano kung mangyari iyon bukas, nakahanda ka ba?

"O, saan ba talaga ang punta mo?"

+ Manalangin tayo:  Manahan ka sa buhay ko ngayon, Panginoon.  Manahan ka sa aking puso bilang aking Panginoon, Hari at Tagapagligtas.  Mula sa oras na ito, itinatakwil ko ang kasalanan at ang pagiging makasarili, at sumunod sa Iyo sa buong panahon ng aking buhay.  At ang buhay kong ito ay inilalagak ko sa Iyong mga kamay nang buong pagtitiwala.  Amen +

No comments: