Friday, November 6, 2015

LUBOS NA PAGKILALA

Romans 15:21 - "Those who have never been told of Him shall see; and those who have never heard of Him shall understand".
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Paano mo nakilala si Kristo?

Dahil ba nabasa mo ang tungkol sa Kanya sa isang aklat o magasin?  Dahil ba napag-aralan mo Siya sa paaralan noong bata ka pa?  Dahil ba ipinakilala Siya sa iyo ng iyong mga magulang, kaibigan, isang kakilala o isang misyonaryo?

At ngayong kilala mo na Siya, paano mo naman isinasabuhay ang Kanyang mga turo?  Paano mo sinisigurado na ang bawat mong gawain ay naaayon sa Kanyang turo at sumusunod sa Kanyang kalooban?  Paano mo pinapanatili sa iyong buhay at sa iyong puso ang Kanyang presensiya, at paano mo ito ibinabahagi sa iba, lalo na sa iyong mga mahal sa buhay?

Tunay na maraming tanong pagdating sa tunay na pagkilala sa ating Panginoon.  Dahil, hindi lamang sapat na Siya ay makilala lamang natin sa pangalan.  Hindi sapat ang mababaw na pagkilala lamang sa Kanya sa lebel lamang ng nababasa natin sa magasin o mga aklat.

Ang tunay na pagkilala sa Kanya ay sa pamamagitan ng patuloy na pagbabasa at pag-unawa ng Kanyang buhay, mga gawain at mga kautusang nakasulat sa Bibliya.

Kung tunay lamang nating isasaloob ang Kanyang mga turo, siguradong wala tayong pag-aalinlangan ngayon.  Kung isinasabuhay lamang natin ang Kanyang mga kautusan, siguradong mas masaya ang ating buhay ngayon dahil alam nating ginagawa natin ang nakalulugod sa Kanya.

Lagi Niya ayong inaanyayahan sa Kanyang piling, ngunit tayo lamang ang nagpupumilit lumayo.  Patuloy tayong mamuhay nang ayon sa Kanyang kagustuhan.  Manatili tayo sa Kanyang presensiya nang sa gayon ay hindi tayo mawalay sa Kanya.

Kilalanin natin Siya nang higit pa sa pangalan lamang.  Kilalanin natin Siya bilang ating Diyos at Panginoon, na Siyang gabay at may-ari ng ating buhay.

+ Manalangin tayo:  Panginoong Hesus, ikaw lamang ang aming Diyos at Panginoon.  Patuloy mo pong ituro ang daan patungo sa Iyo.  Turuan mo kaming laging nakaasa sa Iyo sa lahat ng pagkakataon.  At as patuloy naming pagsasabuhay ng Iyong mga kautusan at turo, nawa ay manatili kami sa Iyong piling magpakailanman.  Amen +

No comments: