Wednesday, November 25, 2015

MENE TEKEL PERES

Daniel 5:25 - "This is the writing that was inscribed:  MENE, TEKEL and PERES..."
------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Naranasan mo na ba ito:  Sa sobrang saya ng iyong naramdaman, marahil na-promote ka, o nanalo ng malaking halaga, o kaya ay sinagot ng minamahal, ay nalimutan mong magpasalamat muna sa Kanya, dahil na rin sa mga panahong iyon, pakiramdam mo ay napakagaling mo, at hindi mo na Siya kailangan.

Ngunit naranasan mo na rin ba ito:  Nasa banig ka ng karamdaman, o kaya ay namatayan ng minamahal o naubos ang ari-arian dahil na rin sa matinding dagok na dumating sa iyong buhay.  At sa ganoong pagkakataon, makikita mo ang sarili mong nakaluhod sa harap Niya, nagsusumamo at humihingi ng tawad.

Tunay na nangyayari sa lahat sa atin, kung saan sa isang minuto ng magandang buhay, ay nalilimutan na natin ang nagbigay nito.  Sa isang oras ng kasaganahan, ang ating paniniwala ay dahil na rin ito sa ating lakas at galing, at di natin Siya kailangan.

At sa huling paghuhukom kung saan matatapos ang ating buhay sa mundong ito ("MENE"), tayo ay titimbangin, at makikitang nagkulang ("TEKEL").  At ang yamang panglupa na ating naiwan, na naging dahilan ng ating pagiging palalo, ay di natin madadala, bagkus ay paghahatian lang ng ating mga naiwan sa lupa ("PERES")

Walang masamang dumanas ng kaginhawan, kayamanan at kagalinga sa mundo.  Ngunit huwag sana nating kalimutan na ang lahat ng ito ay nanggaling sa Kanya.  Siya ang nagbigay sa atin ng lakas at talino upang makami ang mga ito.  Kung kaya't nararapat lamang na patuloy tayong magpasalamat sa Kanya, sa Kanyang patuloy at walang hanggang biyaya.

At sa darating na araw na ikaw tayo ay titimbangin, lumabas nawa tayong kumpleto, buo at perpekto sa Kanyang paningin at maging karapat-dapat na maging kabahagi sa Kanyang Kaharian.

+ Manalangin tayo:  Ama namin, maraming salamat po sa mga biyayang Iyong ipinagkaloob at patuloy na ibinabahagi sa amin.  Patawarin Mo po kami sa mga pagkakataong kami ay nakakalimot na magpasalamat sa Iyo.  Nawa'y patuloy naming sundin ang loob dito sa lupa, upang sa araw ng paghuhukom, ay makamit namin ang pangako ng Iyong kaligtasan, kasama Ka magpasa-walang hanggan.  Amen +

No comments: